Wednesday, August 11, 2010

Pilipino Ako


Isa na yata sa mga pangarap ko ay ang malibot ang buong mundo.  Tila ba sa litrato ko na lang mapagmamasdan ang magarang 'Statue of Liberty' sa New York, ang 'Eiffel Tower' sa Paris at ang 'Disneyland' sa Los Angeles.  Kaya naman sabi ko noon sa sarili ko, magiging kuntento na ako kapag nakapaglakbay na ako sa ibang bansa.  Matapakan ko man lang ang lupa ng mga banyaga,  lubhang magiging masaya na ako.  Ngunit  nang nabigyan na nga ako ng pagkakataong makapunta sa tatlo sa mga karatig na bansa ng aking mahal na bayan,  napagtanto ko namang  gaano man kaganda ang mga istruktura sa mga lugar na iyon, gaano man kamoderno ang kanilang mga kagamitan, ang angking ganda pa rin ng 'Perlas ng Silangan' ang hinahanap- hanap ko.  

lakbayin natin ang Pilipinas!
Palawan, Philippines

Pilipinas: Perlas ng Silangan

Minsan nang may nagsabi sa kin: 'The Philippines USED to be a paradise.'  Nakakalungkot mang isipin, ito ay isa lamang repleksyon ng mga pananaw ng mga banyaga sa estado ngayon ng bansang ipinagmamalaki ko. Marahil nga ay lubhang malaki na ang ipinagbago ng Pilipinas.  Base sa mga nakikita kong litrato, lubha ngang mas malinis at maayos ang bansa noong una.  Mas kagalang-galang tingnan ang mga tao sa suot nilang Baro't Saya at Barong Tagalog.  Pero sa kabila ng lahat ng ito ay minamahal ko pa rin ang bansang ito. Iba pa rin kasi ang paghangang nararanasan ko kapag nakikita ko ang mga kabundukang pinatibay ng panahon at ang mga karagatang nananatiling matatag sa paglipas ng mga taon.  Sa Pilipinas lamang kasi matatagpuan ang perpektong hugis ng Bulkang Mayon, ang nakakatakam na Chocolate Hills at ang mapuputing buhangin ng Boracay. 

Napakaganda nga naman ng Pilipinas.  Hindi lang talaga kaaya-aya ang pamamalakad dito.  Saan man ako mapadpad dito, may mga katiwalian.  Pakalat-kalat lamang ang mga pulis na nangongotong, mga negosyanteng hindi nagbabayad ng buwis,  at mga kabataang nagdodroga at kumikitil ng buhay ng mga sanggol sa kanilang sinapupunan.
Isa man ang bansa sa may pinakamalaking populasyon ng mga Katoliko sa mundo, lumalabag din naman ang karamihan sa mga kautusan ng Diyos.  Ilang lider na rin ang dumaan sa bansang ito.  Ang ilan sa mga nabanggit ay lubahng matatalino, may integridad, maka-Diyos at maka-masa ngunit hindi pa rin sila naging daan upang maging maunlad na ang bansa.  May pag-asa pa ba talaga ang bansang ito?  Hindi kaya tuluyan na tayong malulugmok sa putik ng kasakiman?

Bakit nga ba hindi pa umuunlad ang Pilipinas?  Dahil ba sa korupsyon, sa mga iilang taong sinasarili ang pondo ng bansa o sa lumolobong populasyon ng bansa?  Para sa akin, wala sa mga nabanggit ang dahilan.  Sa totoo lang, tila ba ang mga dugong nananalaytay sa atin ang nagiging hadlang sa inaasam nating kaunlaran.  Para bang palagi na lamang may mga paksyon sa bansa.  Nandyan ang 'Administrasyon laban sa Oposisyon,' ang mga 'Kapuso' at 'Kapamilya,' mayaman at mahirap.  Puro na lamang bangayan, alitan. Kabilang na nga tayo sa 'Political Wars' at 'Network War.'
Sa kabila ng mga katiwalian, bulok na sistema, at kasakimang namamayani sa  lipunang ginagalawan  ko ay ikinararangal ko pa rin ang lahi ko. Bakit nga ba? Kasi, kung bibigyan ako ng isa pang buhay, nanaisin ko pa ring maging isang Pilipino.  Mas pipiliin ko pa ring maglakad sa magandang baybayin ng Puerto Galera at Boracay, magsimba sa milagrosong dambana ng Mahal na Nazareno at makilahok sa prusisyon tuwing Mahal na Araw.  Hahanap-hanapin ko pa rin ang adobo, sinigang at laing.  Kasasabikan ko pa ring marinig ang magagandang timbre ng boses nina Regine Velasquez, Charice, Jonalyn Viray at Brenan Espatinez. Makapag suot man ako ng Louis Vuitton, Gucci at Chanel,  iba pa rin talaga ang mga payak na damit na mabibili sa murang halaga sa Divisoria.  Talaga nga namang kahit saan man ako mapadpad, ang dugong Pilipino pa rin ang mananalaytay sa aking pagkatao.

Sa tuwing nakikita ko ang sarili ko sa salamin, napapansin ko ang kayumanggi kong balat, ang pango kong ilong at ang itim kong buhok.  Bakit nga ba hindi na lang ako nagkaroon ng balat ng mga Amerikano, matangos na ilong ng mga Ingles at kakaibang kulay ng buhok ng mga Pranses?  Nang mapunta ako sa ibang lugar, napagtanto ko na ang mga nabanggit ang nagsisilbing pagkakakilanlan ko.  Kahit na kitang-kita ang pagka Pilipino ko, napagkamalan pa rin akong Intsik, Koreana at Malay.  Datapwat sa paglipas ng araw, isa pa rin ang sinasabi ko sa buong mundo: "I am a Filipina."





Nagmamahal,
Maica Angelle




2 comments:

  1. Whow! Ako rin, Proudly Pinoy!!!

    http://neneleah30.blogspot.com

    ReplyDelete
  2. Thank You Ms. Lea. I decided to write in Tagalog because it's Buwan ng Wikang Pilipino and this is what I came up with. I'm not so good in writing Tagalog blogs but I hope that you liked it!
    Anyway, thanks for reading! I'm following your blog already.
    Maica Angelle

    ReplyDelete